“Mangyayari rin ang lahat pagdating ng tamang panahon.”
‘Yan ang madalas na marinig kay Ising. Kapag may isang bagay
ang kahit anong hiling, kahit na lumuhod at pinudpod ang mga tuhod sa kakaluhod
para lang ipagdasal na magkatotoo ay hindi pa rin natutupad. Asahan na ang
linya niyong “Hindi pa ito ang tamang panahon.”
Para sa kanya lahat ng bagay sa mundo ay nangyayari sa
tamang panahon. Nang bumagsak ang kanyang bunsong kapatid na si Kaloy sa
Licensure Examination for Teachers, “Hindi pa ito ang tamang panahon para
maging isa kang guro,” ang sinabi niya sa kapatid. Nang malaglag ang anak ng
kapatid niyang si Mia dahil mahina ang
bahay bata nito, “Hindi ka pa handa para sa bata. Hindi pa ito ang panahon,”
naman ang sinabi niya para sa kapatid.
Ngunit kung kung tamang panahon nga ang hihintayin, mukhang
nakaligtaan o nalampasan na nito si Ising. Sa edad na kwarenta y dos ay wala
pang asawa si Ising. Ni hindi nga ito nagkaroon ng nobyo. Ni minsan walang
nakilala o nakita ang pamilya o mga kapitbahay nito na lalaking inuwi sa bahay.
Kahit na mga chismis lamang ng mga lalaking naging malapit dito ay wala.
Hindi naman si Ising ang klase ng babaeng laging sa
pag-aaral nakatuon ang pansin. Noong nag-aaral siya ay madalas na umuuwi siya
nang madaling araw. Ang laging dahilan ay gumagawa lamang ng project sa
eskwelahan kahit na nakipag-inuman lamang sa bahay ng kaibigan. Madalas na
lumiliban sa mga klase para lamang makanood ng bagong palabas sa sine. Ang baon
ay iniipon para makagala. Nang magkaroon ng trabaho ay madalas na laman ito ng
mga bar. Hindi nga lang siya isa sa mga babaeng halos ilabas na ang lahat ng
natatakluban ng mga damit habang nagsasayaw, pero isa siya sa mga nagpapatumba
ng bote ng alak.
Ngunit pagdating sa pag-ibig ay sadyang ilag si Ising.
Marami siyang kinakatukan. Natatakot s’ya na baka pulaan lamang ng mga magulang
n’ya ang sinumang lalaki na magugustuhan n’ya. Na baka pagdating sa dulo ay
hindi rin naman sila magkatuluyan ng lalaking mamahalin n’ya at iwan s’ya. Ayaw
n’yang masaktan. Ayaw n’yang matulad sa iba na nagmumukhang kawawa dahil lamang
sa iang lalaki. Ayaw n’yang matulad sa iba na matapos maanakan ay iiwan lang
din naman.
Pero kahit ganoon isa rin sa siya mga babaeng nahumaling
nang sobra sa mga tagalog pocketbooks. Araw-araw ay nakakadalawang libro siya
ng pocketbooks. Hindi pwedeng matapos ang araw niya nang hindi nakakatapos ng
kahit isnag libro. Gabi-gabi, bago matulog ay lagi n’yang iniisip ang bawat
eksena, linya at karakter sa nabasang libro. Iniisip kung kailan nga ba
mangyayari s’ya naman ang magiging bida sa isang love story na pwedeng ilimbag
sa papel?
Gusto niyang maranasan na umibig. Gusto n’yang maranasan ang
magkaroon ng katabi sa pagtulog. Ano ang pinagkaiba noon kapag magkatabi silang
natutulog ng kanyang mga kapatid? Anong pinagkaiba noon kapag nagsisiksikan
sila ng ng mga barkada niya sa kama?
Higit sa lahat gusto niyang maranasan ang ibang tao naman
ang mag-alaga sa kanya. Iba mula sa kanyang mga magulang. Iba mula sa mga
kapatid at lalong iba mula sa mga kaibigan. Ano nga ba ang pinagkaiba ng
pagmamahal ng isang tao? Sa anong aspeto naiba ang kanilang yakap at halik.
At para malaman niya ang sagot ay kailangan niyang maghanap
ng lalaking mahahalin n’ya. May mga nagugustuhan naman s’ya. ‘Yon nga lang.
Hanggang doon na lamang ang lahat. Sa may nagustuhan s’ya. Kapag may nagustuhan
s’yang gwapo, alam na kaagad niyang hindi sila ang itinakda ang panahon. Hindi
naman kasi s’ya bagay sa mga gwapo. Simpleng babae lang s’ya, ayaw niyang
mangarap nang mataas. Kapag naman may nagugustuhan siyang tingin niya ay pwede
na, hindi naman siya gusto.
Hindi naman siya pihikan sa lalaki. Hindi naman kailangan na
gwapo, pero kung sakaling gwapo ang makatuluyan niya, sana nga mangyari iyon.
Hindi pisikal na aspeto ang batayan niya sa lalaking mamahalin. Ang ayaw niya
lang ay ang lalaking walang pangarap sa buhay. Bakit niya gugustuhing makasama
sa buhay ang isang lalaking wala namang nais marating? Baka hanggang sa kanto
lang ang mapuntahan nito at para uminom pa. Ayaw rin n’ya sa lalaking puro
pangarap nga wala namang gawa. Okay lang sa kay Ising kahit na hindi siya ang
nasa unang prayoridad ng lalaki, basta malinaw rito ang gusto nito sa buhay.
‘Yon nga lang kapag nakakakita siya ng ganitong lalaki, wala nga sa prayoridad
nito kahit ang mahalin si Ising.
Hanggang sa mas pinili na lang ni Ising ang maghintay sa
tamang panahon. Iniisip na lang niya na hindi pa naisusulat ang kanyang love
story. Baka pinapatubo pa lang ang puno na gagawing papel para maisulat ang
kwentong niyang kakikiligan pati ng mga apo niya sa tuhod.
Lumipas na ang mga panahon. Natapos mag-aral si Ising.
Nagkaroon ng trabaho. Nagkaroon ng sariling bahay ay nagsolo. Ang mga kaibigan
niya at nagsipag-asawa na at nagsipag-anak. Ang iba nakaktatlong anak na at
tatlong asawa rin. Habang siya ay naghihintay pa rin sa tamang panahon. Sa
tamang lalaki.
Hindi pa naman huli ang kwarenta. ‘Yan ang pakunswelo n’ya
sa sarili. Maayos pa naman ang matris n’ya. Wala pa nga kahit anong gusot ‘yon.
Isang araw habang nakaharap si computer si Ising at
tinatapos ang mga report na kailangang tapusin sa trabaho n’ya ay nakarinig
siya ng pop up mula sa Facebook niya. Tiningnan niya iyon at nakita ang message
ni Aya, kaklase niya noong high school.
Aya Velasco
Girl, pwede ka ba?
Kailangan ng tulong ni Hanna. Nasa ospital ang anak niya. Kailangan ng pera.
Alam mo naman yun walang kwenta ang asawa. Hindi nila mabayaran ang bill. Gipit
ako ngayon eh.
Sent from messenger
Tinitigan ni Ising ang chat box. Sa kanilang lahat na magbabakarda noong
highschool si Hanna ang hinulaan nilang unang mag-aasawa at magkakaanak. Na
siyang agad namang tinupad nito dahil anim na buwan matapos ang graduation nila
ay nabalitang buntis ito. ‘Yon nga lang nakakaapat na anak na ito ay hindi pa
rin ito kasal sa ama ng mga anak nito.
Galing si Hanna sa isang broken family. Nabuntis ang nanay
nito sa edad na disis siyete habang ang ama naman ay nito ay disi nueve. Dalawa
lamang sila Hanna at Kuya nitong si Harold at nang dumating si Hanna sa edad na
pitong taon ay naghiwalay ang mga magulang nito. Sabi ni Hanna dahil daw iyon
sa hindi magkaunawaan ang mga magulang nito.
Mas madalas daw ang pag-aaway ng mga magulang nito kaysa sa
magkabati kaya piniling maghiwalay na lang. Wala pang isang taon matapos
maghiwalay ng mga magulang nito ay nagkaroon na ng sari-sariling pamilya ang
mga magulang ni Hanna. Kaya naiwan na lamang sila sa poder ng mga lolo at lola
nito.
Noong unang beses na sinabi ni Hanna sa kanya na buntis ito
ay tinawagan siya nito habang umiiyak. Alas onse na noon ng gabi pero
pinapupunta siya nito sa Seven Eleven sa kanilang plaza. Kahit na tulog na ang
lahat ng tao sa bahay nila ay tumakas si Ising para puntahan ito. Kasalukuyan
siyang nasa second semester ng unang taon sa college kaya hindi pa dumadalang
ang kumunikasyon nila ng mga kaibigan noong high school.
Agad niyang nakita si Hanna sa gilid sa labas ng Seven
Eleven at mugtong-mugto ang mata sa kakaiyak. Nagulat siya nang makita ang mga
kamay nitong may hawak na malaking bag.
“Anong problema?” agad niyang alo sa kaibagan na tumanggi
nang yakagin niya ito sa loob ng Seven Eleven.
“Naglayas ako.”
Tinikom lang ni Ising ang bibig. Gustuhin man niyang iuwi
ang kaibigan sa bahay nila alam niyang hindi niya kaya. Una, hindi alam ng mga
magulang niya na lumabas siya. Ano na lang ang sasabihin ng mga ito kapag umuwi
siyang may dala pang naglayas na kaibigan? Pangalawa, tutol ang mga magulang
niya sa mga naglalayas. Alam niyang agad na ihahatid ng mga magulang niya si
Hanna pagkauwi nila sa bahay. Panatlo, ayaw niyang masangkot sa gulog pinasok
nito. Oo, magkaibigan sila ni Hannah. Pero tama bang idawit niya ang sarili
niya sa problema na ito dapat ang naharap?
“Pupuntahan ako ni Tristan dito,” banggit ni Hanna na ang
tinutukoy ay ang nobyo sa pagitan ng pag-iyak. “Sa kanila na ako tutuloy.”
“Bakit?” tanong na lamang niya.
“Is, buntis ako.” Nang sabihin iyon ni Hanna ay diretso ang
tingin niya sa mga mata ni Ising. Kitang-kita sa mga mata nito ang isang
desisyon na hinding-hindi mababali. Isang bagay na kahit anong gawin niya ay
hindi matututulan. Kahit hindi naman niya alam kung ano ang bagay na ‘yon.
Hindi magawang makapagsalita ni Ising kaya nang umupo si
Hanna sa isang upuan sa labas ng Seven Eleven ay napaupo na lang din siya. At
dahil nga tahimik siya ay inakala ni Hanna na hudyat iyon para magkuwento ang
huli.
Sa halos iisang oras na pagkakaupo nila sa labas ng Seven
Eleven ay puro tungkol sa kung papaano mamahalin at aalagaan ni Hanna ang anak
nito ang naging paksa ng usapan. Madalas ang pagsabi nito na hinding-hindi ito
gagaya sa mga magulang nito na pinabayaan lamang sila na lumaki sa mga lolo at
lola. Hindi-hindi raw hahayaan ni Hanna iyon. Kahit na magkahiwalay sila ni
Trista ay hinding-hindi niya iiwan ang anak niya. Hinding-hindi raw nito
hahayaan na maranasan ng anak ang naranasan nito.
Sa isip-isip ni Ising, hindi nga ba mararanasan ng bata ang
naranasan ni Hanna? Disis sais pa lang si Hanna. Mas bata ng isang taon kaysa
noong nabuntis ang nanay nito. anong klaseng buhay ang mararanasan ng bata?
Hindi pa sila nakaka-graduate sa college. Mga first years pa nga lang sila.
Wala pa sa tamang edad si Hanna para makahanap ng tamang trabaho. Paano nito
bubuhayin ang anak nito? Gaano rin ito kasigurado na tatanggapin ito ng mga
magulang ni Tristan.
Sa paglipas ng panahon, hindi magawang masabi ni Ising kung
nagawa nga ba ni Hanna ang mga bagay na pinangako nito noon. Sa tuwing
nagkikita sila ay wala itong bukang bibig kung hindi ang kunsiminsyon sa asawa.
Sa pambababae nito at iba pang kalokohan. Ang
biyenan nito na walang ibang ginawa kung hindi ang pulaan si Hanna sa
kanyang mga anak. Pati na rin ang mga konsimisyon nito sa mga anak.
Ang hindi lang niya maintindihan ay kung paanong nagawa pa
ni Hanna na magkaanak nang apat samantalang puro problema lamang ang nakukuha
nito. Kitang-kita naman na nang mag-asawa o mabuntis ito ay wala sa tamang
panahon. Masyado pa itong bata at hindi handa. Hindi pa man nito nagagawang
maging estable ang buhay ay nagawa pa nitong mag-anak nang isa pa at hanggang
sa dumami.
Hindi n’ya maisip bakit may ma taong hindi magawang
maghintay kung kelan ang tamang panahon para sa iang bagay. Ang mga bata
gustong-gusto na kaagad tumanda, hindi man lang sinusulit ang pagiging bata.
Laging isinasaisip ang pagmamahal at kung ano-ano pang bagay na hindi pa naman
dapat. Sa halip na isipin ang paghahanap ng kapareha o kasama sa pagtanda ay
hindi muna isipin ng mga ito kung paano yayabong ang pagkatao nila? Bakit sila
takot na takot tumatanda mag-isa samantalang pinanganak naman sila nang iisa
lang sila?
Gusto rin naman ni Ising ang magkaroon ng kasama sa pagtanda
at ayaw niyang mamatay na lang nang mag-isa pero gusto rin niyang matuto na
tumayo bilang tao. Ang magkaroon ng sariling disposisyon at hindi ang umasa sa
magiging kapareha.
May tamang panahon sa lahat maging sa pagmamahal, pero ang
pagyabong ng pagkatao ng isang tao ay nakadepende sa kung paano niya
patatakbuhin ang sariling buhay.
Isa pa hindi niya kakayanin kung sakaling magkaroon siya ng
anak at hindi niya kayang buhayin ito. Para saan pa at magkakaanak siya kung
gugutumin lang naman niya ito. Aanhin pa ang buhay kung halos mamatay rin para
lang panatilihin ito?
Natigil siya nang makitang nag-type muli si Aya.
Aya Velasco
Girl?
Sent from messenger
Bumuntong-hininga si Ising bago tumipa ng OK kay Aya at
sinara ang kanyang facebook.
---- ----- ----- -----
Naglalakad si Ising papunta sa ospital kung saan dinala ang
anak ni Hanna. Nakausap niya ito kagabi sa telepono at ibinalita nitong hiwalay
na ito sa kinakasamang si Tristan. Ngunit sa halip na ang pag-usapan nila ay
ang tungkol sa kabutihan ng paghihiwalay ng dalawa o kung bakit naghiwalay ang
mga ito, mas naging paksa nila ang dahilan kung tama nga ba ang ginawa niya at
mukhang mas nakakabuti na magbalikan na lang sila.
Ilang beses na hinindian ni Ising ang ideya na magkabalikan
ang dalawa dahil isang manloloko si Tristan bukod pa sa mabisyo. Pero mas
kulong si Hanna sa ideya na hindi mabuting asawa si Tristan pero mabuti itong
ama. Na kahit na nag-aaway ang dalawa ay hindi nito dinamay ang mga anak.
Pagdating sa mga anak ay mabuti ito. Na okay lang na magsama ang dalawa kung
para lang sa mga bata
Nasa tapat na ng ospital si Ising nang makita niya ang si
Allan. Ang isa sa mga lalaking nagustuhan niya noong highschool. Ngunit natapos
na lang ang pagkakagusto niya rito ay hindi pa rin nalaman ni Alln na
nagustuhan niya ito.
Agad na ngumiti si Allan nang makita siya. Kumaway pa ito sa
kanya.
“Kamusta? Long time no look,” agad na bati ni Allan sa
kanya.
“Ayos lang. Pinuntahan mo rin ang anak ni Hanna?” tanong
niya rito.
Agad niyang napansin ang mga pagbabago sa itusra ni Allan.
Ang dating laging bagsak na bangs nito ay wala na. Lumapad na nga ang noo nito
dahil sa mataas na hairline. Ang mga mata nito ay mga linya na sa gilid. Ang
mga labi ay medyo nangingitim dahil sa paninigarilyo. Ang katawan nito ay hindi
na kasing tikas ng dati at may maliit na tiyan na nakausli na sa T-shirt nito.
“Nandito ang anak ni Hanna? Bakit? Anong sakit?”
Nagulat siya na hindi alam ni Allan na nasam ospital na ‘yon
ang anak ni Hanna. Isang ideya tuloy na pinagtagpo sila ng tadahana ang
pumapasok sa utak niya. Ideyang pilit niyang iwinaglit sa isipan.
“Noong isang linggo pa. May dengue. Bakit ka pala nandito
kung hindi mo alam?"
Huminga muna nang malalim si Allan bago sumagot. “’Yong
biyenan ko nasa loon. Na-confine dahil sa highblood.”
Napatango lang siya sa sinabi nito.
“’Yong asawa mo nandito rin?”
“Oo. Nasa loob. Kasama mga magulang niya.”
“Bakit hindi mo puntahan?”
“Galing na ako roon kanina.”
“Okay.” Nanatiling nakatayo si Ising sa harap ni Allan kahit
na hindi na siya makaisip ng ibang sasabihin.
“Hiwalay na kami ng asawa ko,” saad ni Allan na mas lalong
nagpablangko sa utak ni Ising.
“Hanggang legal separation lang kaya ng pera ko. Mahal ang
annulment, eh. Saka matagal ‘yon.” Patuloy naman ni Allan.
“Bakit kayo naghiwalay?” tanong niya kay Allan.
“Tulad ng iba? Hindi kami magkasundo.”
“Pero ‘di ba okay naman kayo dati?” saad ni Ising sa
mahinang boses. Hindi siya sigurado kung narinig nga ba siya ni Allan.
“Ganoon yata talaga may mga bagay na hindi nagtatagal. Ikaw?
May asawa ka na ba?”
Umiling lang siya sa tanong ni Allan.
“Sa ating lahat ikaw na lang ang single! Ay single na pala
ulit ako,” biro ni Allan para gumaan ang paligid pero hindi tumawa si Ising.
“Bakit parang ang dali sa inyo na pumasok sa isang relasyon
tapos hindi niyo naman kayang tapusin?”
tila pasumbat na tanong ni Ising. Aakalain na siya ang iniwan ni Allan
sa tono niya.
“Anong hindi kayang tapusin? Tapos na nga kaya nga
naghiwalay,” muling pagbibiro ni Allan na hindi pa rin kinagat ni Ising.
Napailing na lang si Allan. “Hindi kasi kami katulad mo
Ising. Mapusok kami. Kapag may pwedeng subukan sinusubukan. Kung anong
kahinatnatan, eh, ganoon talaga.”
Si Ising naman ngayon ang napailing. “Hindi naman kasi
basta-basta ang lahat. Ang problema sa inyo basta kayo pasok nang pasok. Hindi
niyo iniisip ang mga bagay. Kung naghintay lang kayo nang kaunti... ng tamang
panahon? Sana hindi kayo—“
“Hindi kasi kami kasing bait mo,” putol ni Allan sa sinasabi
ni Ising. “Hindi namin kayang isipin ang hinaharap. Hindi namin kayang isipin
kung ano ba ang pwedeng mangyari sa hinaharap sa bawat desisyon namin. Basta
may pwedeng gawin, gagawin! Bahala na bukas. Hindi ako katulad mo na kayang
isipin ang sasabihin ng pamilya ko sa bawat kilos ko.”
“Hindi ko iniisip ang sasabihin ng pamilya ko,” tutol naman
ni Ising.
“Eh anong iniisip mo? Na may tamang panahon? Sabihin mo nga
sa akin, bakit sa tuwing nalalaman mo na may isa sa amin na nakipaghiwalay o
maagang nag-asawa ay lagi kang dismayado?”
Napatanga si Ising sa sinabi ni Allan. Ikinurap niya ang mga
mata na tila makakakita siya ng sagot sa ginagawa.
“Dahil mali ang desisyon niyo. Anong kabutihan ba ng mga
ginagawa niyo? Naging mabuti ba ang lagay niyo? Ang mga anak niyo naging masaya
ba? ‘Yan ba ang buhay na pinangarap niyo noon?” unti-unting tumataas ang dibdib
ni Ising habang sinasabi ang mga salitang binitawan. Maging kanyang boses ay
tumatass kaya napapatingin sa kanya ang mga taong dumaraan.
“Tama nga ako,” nalito si Ising nang makitang ngumiti si
Allan. “Masyado ka ngang mabait na hindi mo kayang sumugal. Ayaw mong sumugal
at masaktan dahil iniisip mo ang mga taong nakapaligid sa’yo. Kaya nga
tinatanggi mo na gusto mo ako noong high school ‘di ba? Kasi ayaw mong
madismaya mga magulang mo.”
Natigilan si Ising sa sinabi ni Allan. Sa kabilang banda
tama si Allan sa sinabi. Totoong takot din siya. Takot siya na baka magkamali.
Takot siya na makagawa siya ng pagkakamaling pagsisisihan niya buong buhay
niya. Ayaw niyang may ibang magdusa sa pagkakamali niya. Hindi niya alam kung
kabutihan ba ang pagiging takot. At hindi niya alam ang solusyon sa takot niya
kaya mas pinili niyang maniwala na may tamang panahon. Tamang panahon para sa
lahat ng bagay.
“Naghihintay lang ako ng tamang panahon.” ‘Yon lang ang
nasabi ni Ising bago iniwan si Allan at pumasok sa ospital.
Ang akdang ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 7. www.sba.ph.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento