(Unang Daan sa Siyentipikong
Pamamaraan ng Kung Paano Magwawagi sa Buhay Pag-ibig)
First law: Law of Inertia
A body at rest remains
at rest, and a body in motion remains in uniform motion a long a straight line,
unless acted upon by a net force.
Ang sabi ni pareng Newton
minsang nagkainuman kami sa tindahan sa kanto, hindi raw gagalaw ang
isang bagay kung hindi mo ito gagalawin at hindi ito hihinto kung hindi mo
ihihinto o kung may maghihinto dito. Hindi ko maintindihan kung anong
pinaglalaban ng kumpare kong ‘yon at pati ang paggalaw ng mga bagay-bagay
problemado.
Ngunit nang mahulasan na ako mula sa ininom namin na limang
mucho ng red horse na ipina-plastic namin at nilagyan ng straw dahil walang
baso, saka ko lamang nakita ang punto ng kanyang mga pinaglalaban.
Malaking tama ang sinabi ng kumpare ko, hindi lang tama mula
sa alak na nainom namin. Kung hindi tama sa maraming paraan.
Heto ang sampol. Naranasan mo na ba ‘yong naglalakad ka
tapos nakita mo si crush at sa sobrang taranta mo ay bigla kang lumiko at
umiwas sa daraanan n’ya? Eh, ‘yong kapag titingnan ka ng crush mo bigla kang
magtatago? Tapos magdadrama kung bakit hindi ka nakikita ng crush mo.
Mga katoto, isang simpleng payo lamang; ‘wag po tayong
tanga. Alalahanin ang sinabi ni pareng Newton. Hindi gagalaw ang isang bagay
kung hindi mo gagalawin.
Gano’n din sa mga crush-crush na ‘yan. Hindi ka n’ya
makikita kung hindi ka magpapakita. Paano ka n’ya mapapansin kung magtatago ka?
‘Wag ka ring magdrama na wala ka lang sa buhay n’ya. Una sa lahat hindi ka
sumasawsaw sa buhay n’ya, tapos magiging parte ka pa?
‘Wag tayong magpatawa.
‘Wag mo na ring isalang ang kasabihang kung kami magiging
kami o tadhana na ang bahalang gumawa ng paraan para magkatuluyan kami.
Una sa lahat hindi ka makakarating sa paroroonan mo kung
hindi ka magalalakad. ‘Wag ka masyadong sitting pretty hindi uso sa pag-ibig
ang katulong na may maghahain pa para sa’yo. Madalas pang fast food sila na self-service.
Kung sakaling sa restaurant ka napunta, hindi ka pa rin susubuan ng waiter.
Ikaw ang magsusubo. In short, kelangan mo mag-effort.
Hindi ka mamahalin ng isang tao kung hindi mo ipapakitang
dapat kang mahalin. Hindi man maintindihan kung paano ang galawang pag-ibig,
hindi rin ito nangyayari na lang bigla.
Aysus, ‘wag kang magpapaniwala sa mga taong sinasabing hindi
ko alam kung paano kita minahal basta nagising na lang ako na mahal kita. Buhay
nga naman. Pagkatapos ng ilang araw makikita mo bigla na lang din s’yang
gigising na hindi ka na mahal.
Walang bagay sa mundo na hindi basta-basta nangyayari. ‘Yong
tighiyawat nga ng kapitbahay n’yo na nag-overpopulate na noo n’ya, hindi ‘yan
basta-basta nangyayari, pagmamahal pa kaya?
Kahit anong dasal mo sa Diyos na sana makapasa sa finals
exam mo kung hindi ka nag-aral, hindi ka talaga papasa. Ganoon din sa pag-ibig.
Hindi ka magmamahal kung hindi mo makikita at makikilala ang taong mamahalin mo
at hindi ka n’ya mamahalin kung hindi mo ipapakita at gagawa ng paraan para
mahalin ka n’ya.
------- ---------- -----
“Nagmamahalan po kami
ng jowa ko. Hindi ko na nga po alam kung paano uli mabuhay nang mag-isa.
Masyado po akong nasanay sa isang buwan na relasyon namin na lagi ko s’yang
kasama. Tapos ipagpapalit lang pala n’ya ako. Sabi n’ya mahal n’ya ako. May humimas
lang sa kanyag iba nag-iba na rin tibok ng puson—este puso n’ya. Gusto ko na
pong mamatay. Ayoko nang mabuhay.”
Gusto kong ulitin ang pangalawang sinabi ng kumpare ko.
Hindi hihinto ang isang bagay kung hindi ito ihihinto o kung may maghihinto
dito.
Sa madaling salita mananatili ang pagmamahalan n’yo ng jowa
n’yo kung walang malanding sisingit sa relasyon n’yo. Pwede ring kung may
ma-fall out of love na isa. Pero ayon sa statistics ng National Statistics
Office na pinilahan ko kaninang madaling araw, isang porsyento lamang ng mga
dahilan ng pagbe-break ang fall out of love. Madalas pa na ang rason ng fall
out of love na yan, eh, ang mga malalanding haliparot na nagkalat sa paligid.
Wala talaga tayong kawala sa mga malalandi kahit saan
mayroon n’yan. Ang hindi ko lang maintindihan kung minsan mas lumalabas sila kapag
taken na yung gusto nila. Siguro minsan hindi lang talaga natin nakikita ang
kahalagahan ng isang tao hanggat hindi pa ito taken. O madalas inggetero lang
ang karamihan kaya kapag nakita na may isang maganda ang trato sa jowa ay
aakitin.
Kaya ang payo ko, ‘wag n’yong hahayaang makuha ng iba ang
jowa n’yo. Hindi ko sinasabing ‘wag kayong magtiwala sa kanila. Hindi ko rin
sinasabi na ikulong n’yo ang jowa n’yo sa mga kamay n’yo para masiguradong
hindi ito lalapitan ng malalandi.
Ang tinutukoy kong paraan para hindi kayo iwanan ng jowa n’yo
ay mas igihin n’yo pa ang pagmamahal sa kanya. Hindi ‘yong tipo na parang kayo
na ang ikalawang magulang n’ya na kulang na lang ay paliguan at subuan n’yo s’ya.
Mahalin n’yo lang ang taong mahal n’yo sa paraang hindi na s’ya maghahanap ng
iba.
Kung hindi nadala roon at naghanap pa rin ng iba, isa ring
malandi ang taong mahal mo. Hindi s’ya ang nararapat sa’yo. Seryoso na.
Ang parteng ito ng pagmamahalan ay masasabi kong isa sa mga
stage na mahirap lagpasan. Bumabalik kasi ito. Hanggang hindi natatapos ang
kakatihan ng jowa mo o ‘yong kakatihan ng lumalandi rito, hindi ito matatapos. Madalas
dito nagiging tanga ang isang tao.
Mahuhuli mo, hihingi ng tawad, papatawarin mo, tapos
magloloko uli. Paulit-ulit hanggang sa magsawa ka na at sa huli pati ikaw
masira na.
Ganito ‘yan. Okay lang na magkasala ang taong mahal mo,
lahat tayo nagkakasala. Nasa sa’yo kung patatawarin mo s’ya sa kahit anong
pagsasala n’ya. Nasa kanya kung magtitino pa s’ya. Kung hindi pa rin s’ya
magtitino, ‘wag mong sagarin ang pagkatanga mo. Nagpakatanga ka na pero ‘wag
mong ihantong sa super ultra mega tanga. Please lang, maawa ka sa sarili mo.
Balikan natin ang sinabi ni pareng Newton.
... a body in motion
remains in uniform motion a long a straight line, unless acted upon by a net
force.
Hayan kitang kita. Hindi na sapat ang pagmamahal mo para
umusad pa ang sinasabi n’yong pagmamahalan n’yo. May net force ng nakapagitan.
Kung dinagdagan mo na yung force mo at ayaw pa rin. Give up na. Sinasaktan mo
lang ang sarili mo. Hindi lang s’ya ang tao sa mundo. At ipinanganak ka ng kumpleto
mula ulo hanggang paa, kung kulang ka man ng isang daliri ‘wag magmukmok kaya
mo pa ring mabuhay.
Nasa first law pa lang tayo. Kung natigil ang buhay pag-ibig
mo dahil sa net force na ‘yan. ‘Wag kang mag-alala pwede kang umulit. Hindi ito
first week ng sinehan na one time viewing lang. Pwede ka pa hanggang last full
show. Kung nagtitipid ka download ka ng torrent, pwede kahit buong buhay mo
manood ka pa.
Heto ang unang hakbang para sa ikawawagi ng buhay pag-ibig
mo. May second at third law pa. Pero makuntento na tayo sa first law. Abangan
na lang ang second at third.
Ang inyong feeling siyentipiko ng pag-ibig,